Tamang disposal ng mga fluorescent lamp, isinusulong ng EcoWaste Coalition

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Isinusulong ngayon ng toxic watch group na EcoWaste Coalition ang ligtas at tamang disposal sa basurang bumbilya na may mercury o asoge na mapanganib sa kapaligiran at kalusugan.

Sa pag-aaral ng grupo, ang Pilipinas ay lumilikha ng 50 milyong pirasong basurang bumbilya kada-taon, 22 milyong piraso mula sa mga commercial at industrial establishment, 15 milyong piraso mula sa pampublikong opisina at paaralan at 13 milyong piraso mula sa mga bahay-bahay.

Sa 50 milyong piraso, 42 milyong piraso ay itinatapon bilang basura, ang iba ay binibenta sa mga junk shop, iniimbak o dinadala sa mga treatment facility.

Ang isang fluorescent lighting tube aniya ay may sapat na mercury para makontamina ang 30,000 litro ng tubig.

Kapag nabasag ang fluorescent lamp dahil sa maling paghawak, pag iimbak o pagtatapon ay sisingaw ang mercury vapor sa labas ng glass tubing na syang magkokontamina sa hangin at kapaligiran.

Ang paglanghap ng mercury din daw ay magdudulot ng masamang epekto sa katawan ng tao.

Sa pangkalahatan ay mataas ang occupational health risk sa mga nagtatrabaho sa sector ng basura dahil sa pinaghalong mga basura na kanilang hinahawakan na walang kaukulang proteksyon sa katawan.

Bukod sa bumbilya may mercury content na nakukuha mula sa mga electronic waste, thermometer at iba pang medical devise, skin whitening cosmetic, dental filling at iba pa, ayon sa grupo.

Dahil dito inirerekomenda ng Ecowaste Coalition ang mga hakbang upang maiwasan ang makalanghap ng mercury.

Ito ay ang mga sumusunod:

  • Iwasan ang pagkabasag ng fluorescent lamp
  • Gaya ng pagpapanagot sa mga lamp manufacturer ng Department of Energy at Department of Environment and Natural Resources, dapat aniyang pairalin ng mga local government unit (LGUs) ang collection program sa mga household hazardous waste.
  • Pagtitiyak ng mercury warning label sa mga produktong bumbilya alinsunod sa Philippine National Standards.
  • Kailangan din aniyang tutukan ng pamahalaan ang kampanya sa pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng publiko sa panganib at tamang waste disposal ng mga basurang may mercury content. Gerald Ranez