MANILA, Philippines (Eagle News) — Naniniwala ang Department of Tourism (DOT) na kanilang maaabot ang target na pitong milyong turista na papasok sa bansa ngayong taon.
Ito ang paninindigan ni Assistant Secretary Frederick Alegre matapos na umangat ang turismo sa bansa dahil sa pagho-host nito sa katatapos lamang na 31st Association of Southeast Asian Nations Summit.
Ayon kay Alegre, batay sa kanilang huling tala noong Agosto, nasa 4.5 milyong turista na ang nakapasok sa bansa, habang 11 percent naman ang itinataas ng tourist arrival kada-buwan kung ikukumpara noong nakaraang taon.
Aniya, bagaman tapos na ang ASEAN Summit sa bansa, ay mayroong ilang foreign delegates ang nag-extend pa ng kanilang pamamalagi para mamasyal sa mga tourist destinations tulad sa Pampanga, Baguio at Bohol.
Matatandaang noong nakaraang taon ay umabot lamang ng 5.97 milyong turista ang pumasok sa bansa.