AGOSTO 19 (Agila Probinsya) — Naging pahirapan man sa mga miyembro ng Tarlac City-Philippine National Police (PNP) ang pagtungo sa liblib na barangay ng Balanti sa lungsod ng Tarlac, narating din ng mga ito ang lugar matapos ang mahaba-habang lakarin at pagtawid sa ilog.
Ito’y upang maisakatuparan ang kanilang outreach program na “Each One Reach One.”
Sa nasabing programa sa halip na mga school supplies ang ipinamimigay ng nasabing ahensya ay mga bota para sa mga batang mag-aaral sa Barangay Balanti Elementary School.
Ito’y kasunod ng kahilingan ng mga guro sa nasabing paaralan.
Anila, mas kailangan ng mga batang estudyante ang bota dahil laging binabaha ang kanilang lugar bukod pa rito ay lubhang malayo sa kabayanan ang nasabing barangay.
Nasa tatlong daan at limampu ang napagkalooban ng mga bota mula kinder hanggang grade six.
Laking pasasalamat ng principal na si Rogelio Santos sa mga kapulisan at sa isang NGO dahil sa kanilang ginawang pagmamalasakit sa mga bata.
Ikinatuwa naman ito ng mga mag-aaral dahil malaking tulong ito sa kanila lalo’t malapit na naman ang tag-ulan.
Ayon kay Tarlac City PNP Chief Superintendent Felix Verbo Jr., isa sa layunin ng kapulisan ay mapalapit ang kanilang damdamin sa mga mamamayan ng Tarlac partikular na sa mga bata.
Aniya gusto nilang ipakita sa mga bata na kaibigan ang mga pulis at dapat mawala ang takot sa kanila ng mga mamamayan at handa silang tutmulong sa mga ito sa mga oras na kailangan ang kanilang serbisyo.
Ayon kay Carlos Tan, presidente ng isang Filipino-Chinese NGO, lingguhan umano silang nagpupunta sa mga remote area para sa mga kapos sa pangangailangan.
(Agila Probinsya Correspondent Nora Dominguez)