Ni Catherine Hechanova
Eagle News Service
KORONADAL CITY, South Cotabato (Eagle News) – Tatlo ang sugatan matapos sumabog ang isang pinaniniwalaang improvised explosive device (IED) sa Koronadal City nitong Linggo, Abril 29.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sugatan sina Helen Payunan, 48 anyos, residente ng Osmeña St., Brgy. Zone 1 ng nasabing lungsod; Dindo Zamora, 39 anyos, tricycle driver, residente ng Purok Siodina, Brgy. GPS; at isang di pa nakikilalang tao sa insidente sa gilid ng Christ the King Cathedral, Rizal Street.
Ayon sa mga otoridad, partikular na nagtamo ng pasa sa katawan si Payunan, isang guro, matapos itong tumalon mula sa sinasakyang tricycle; habang si Zamora naman ay tinamaan ng kahoy sa mukha at likod.
Matapos ang dalawang oras muling nakatanggap ng tawag ang kapulisan na isang kahina-hinalang plastic bag ang iniwan naman sa harap ng isang convenience store.
Agad namang rumesponde ang explosives and ordnance team at narekober ang isa pang bomba sa harap ng 747 convenience store.
Agad na i-detonate ang nasabing bomba ng EOD team kaya walang naiulat na nasaktan.
Ayon kay Police Chief Supt. Marcelo Morales, Regional Director ng PNP sa Region 12, posibleng diversionary tactics ang ginawa ng mga teroristang grupo matapos ang law enforcement operation ng South Cotabato Philippine National Police sa kanilang lugar.
Dagdag pa niya, isang babae ang nakitang nagbitbit ng itim na plastic bag na naglalaman ng bomba sa harap ng nasabing convenience store.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad.