Ni Earlo Bringas
Eagle News Service
QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Tatlong magkakaibang aksidente sa kalsada ang naitala sa Quezon City sa buong magdamag nitong Martes, ika-26 ng Disyembre.
Sugatan ang 15 katao kabilang ang isang 17 taong gulang na buntis matapos na magsalpukan ang UV Express at pampasaherong jeep sa may West Avenue nitong madaling araw.
Ayon sa kwento ng driver ng SUV na kinilalang si Romelito Namatay, nakahinto lamang siya dahil kulay pula pa ang traffic light nang bigla na lamang sumalpok ang jeep sa likuran ng kaniyang sasakyan.
Sa lakas ng impact umikot ang kanilang UV Express ng halos 90 degrees at nawasak din ang likuran ng van.
Aminado naman ang jeepney driver na si Arnel Obando na naging mabilis ang kaniyang takbo.
Ngunit depensa niya, nawalan siya ng preno kaya niya nasalpok ang ang van.
Ayon naman sa mga nakasaksi, muntikan pa raw na may mabangga pa na isa pang sasakyan ang jeep at mabuti nalamang ay hindi ito nasalpok.
Agad namang naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang mga sugatan na sakay ng van at jeep kabilang na ang isang buntis.
Samantala desidido naman na magsampa ng kaso ang driver ng UV Express sa driver ng jeep.
Mindanao Ave.
Sumalpok naman ang isang motor rider sa center-island sa Mindanao Avenue underpass corner Quirino Highway.
Duguan at hindi na gumagalaw ang rider na kinilalang si Carlo Dagpin, 22 taong gulang, nang maabutan ng Eagle News team sa lugar.
Sugatan naman at naisugod kaagad sa hospital ang angkas nitong si Ferdinand Somido, na nasa 22 gulang pataas.
Sa inisyal na imbestigasyon, kapwa nakainom ang dalawang nakasakay sa motorsiklo na nanggaling pa sa Valenzuela City at patungo na ng Tandang Sora Avenue.
Hindi suot ni Dagpin ang helmet kung kaya’t ito ang mas napuruhan sa nangyaring pagsalpok.
Ayon sa mga tanod sa lugar, kaagad nilang nirespondehan ang nasabing insidente matapos na maitawag sa kanila na may nangyaring pagsalpok ng rider sa center island.
“Ako yong unang naka-responde… tapos pagdating ko.. yon na nga, ganun na nga ang nagyari. Wala na talaga syempre, talagang zero-zero na eh,” ayon sa pahayag ni Julieto Pugahan, team leader ng Brgy. Talipapa.
Ilang minuto lamang ang lumipas, isang aksidente muli ang naganap sa kabilang lane lamang ng kalsada.
Sumalpok ang magkaangkas sa motorsiklo na sina Jerome Alpa at Romeo Llano sa isang SUV na minamaneho ni Diane Lin dahil umano bigla itong prumeno.
“Sa isang side po ay banggaan lang po dahil medyo aksidente ulit… hindi siya nakapagpreno… pero nagkaayos naman po, sa insurance na lang daw po nila”, ayon kay Hermilo Raganit, Barangay Public Safety Officer ng Brgy. Talipapa.
Aminado naman ang dalawang rider na sila ay nakainom.
“Nagpapasalamat kami na ganito na lang, gasgas na lang yong nagyari sa amin,” pahayag ni Llano.
Nag-aregluhan nalang ang mga kinauukulan.