TORIL, Davao City (Eagle News) – Dinagsa ang Daliao Gym, Daliao, Toril, Davao City ng mga gustong magkatrabaho kahit na pansamantala lamang. Sa dami ng tao ay aakalain mong may job fair sa nasabing lugar. Pero ito ay isang proyekto na tinatawag na TUPAD (Tulong Pangkabuhayan for Disadvantage Workers) na inilunsad ni Davao City 3rd District Congressman Albert Ungab sa pakikipagtulungan naman ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang nasabing programa ay naglalayon na mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mahigit 2,500 residente sa Toril District, Davao City. Sa loob ng isang buwan (30 days) ay magtatrabaho ang mga aplikanteng matatanggap at may sahod na 317 kada araw.
Ayon kay May Nadine Albores, staff sa opisina ng Congressman, malaking tulong aniya ito para sa mga naghahanap pa ng trabaho. Pandagdag sa budget pa rin nila para sa nalalapit na holidays. Tinatayang mahigit kumulang 1,000 ang mga taong mag-umpisa ng magtrabaho sa araw na ito, Biyernes, November 11, 2016.
Inaasahan na dadami pa ang mga proyektong gaya nito para makatulong sa mga mamamayan na nangangailangan.
Noreen Ygonia – EBC Correspondent, Daliao, Toril, Davao City