MANILA, Philippines (Eagle News) — Ibinunyag ng Bureau of Internal Revenue o BIR na may discrepancy ang tax records ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sa ika-labing-apat na pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na lumitaw na may discrepancy sa 2004 hanggang 2010 tax records nito batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon.
Pero tumanggi si Guballa na ibunyag sa komite ang kanilang findings ukol sa mga nasabing discrepancy dahil kailangan pa nilang hintayin ang permiso mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang BIR ay nasa ilalim ng tanggapan ng Pangulo.
Kinuwestiyon naman ni De Vera kung bakit kailangan pa ng permiso mula sa Pangulo kung ang pinag-uusapan naman ay ukol sa P30 milyong kinita ni Sereno noon sa PIATCO.
Batay sa record ng Office of the Solicitor General noong 2006 ay nasa mahigit P1.3 million ang gross income ni Sereno; habang noong 2007 ay mahigit sa P3.6 million at sa taong 2008 ay P4.5 million. Sa loob ng tatlong taon, mahigit na P9 milyong ang naging gross income ng mahistrado.
Noon namang 2004 ay nagdeklara ng gross revenue si Sereno na aabot sa P7.2 million pero wala namang ibinigay na breakdown dito ang punong mahistrado.
Dahil naman sa kakulangan ng oras, iginiit ng ilang kongresista na i-subpoena ang resulta ng imbestigasyon ng BIR ukol sa tax records ni Sereno na inarpubahan ng komite.
Hindi naman isinaisantabi ng BIR ang posibleng pagsasampa ng kasong tax evasion laban kay Sereno sakaling mapatunayang may nagawa itong paglabag.
Samantala, hindi naman sumipot sa pagdinig sina Supreme Court Associate Justices Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen na resource persons ukol sa pagkuha kay IT consultant Helen Macasaet.
Samantala, sa Pebrero 26 ang huling araw ng pagdinig ng komite sa impeachment complaint laban kay Sereno.
Inaasahang haharap sa pagdinig ang dalawang psychiatrist ng punong mahistrado. Eden Santos