Tax reform bill, unfair sa mga mahihirap na Pilipino – Bayan Muna Rep. Zarate

(Eagle News) – Iminungkahi ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ipasa muna ang adjustment sa income tax bago pagdebatehan kung kailangan pang magpatupad ng panibagong buwis sa ilalim ng Tax Reform Bill ng Kamara.

Sinabi ni Zarate na hindi siya boboto sa House Bill No. 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion dahil lalo lamang itong magpapahirap sa mga mahihirap, na kabaliktaran aniya sa kaniyang isinusulong.

Umatras aniya siya bilang co-author ng panukala dahil sa ilang mga probisyon sa consolidated version ng tax reform tulad ng pagpataw ng 12 percent na Value-Added Tax (VAT) sa mga umuupa ng bahay na nagkakahalaga ng Php 10,000 pababa.

Hindi rin daw makikinabang ang mga ordinaryong mamamayan sa adjustment ng income tax dahil ang minimum wage earners ay exempted na sa income tax.