Teacher’s Day sa isang eskwelahan sa Laguna maagang ginunita

Maagang regalo ang tinanggap ng mga guro ng Southville 4 Elementary School sa Laguna kasabay ng nalalapit na paggunita sa Teacher’s Day.

Labing-pitong cosmetologist mula sa Alternative Learning System ang nagtungo sa nasabing eskwelahan para bigyan ang mga guro roon ng libreng pampering, gaya ng libreng hair cut, manicure/pedicure at para naman marelax binigyan din sila ng libreng masahe.

Ang proyekto ay pinangunahan ng mga opisyal ng Parents Teachers Association (PTA) ng nasabing eskwelahan sa pangunguna ni Ginang Aileen Nuñez at Coordinator ng ALS na si Version Cosio.

Masaya naman ang mga guro sa iba’t ibang hairstyle na nagpabago sa kanilang “look” at naibsan umano ang kanilang pagod sa maghapong pagtuturo dahil sa libreng masahe.

Ayon sa mga opisyal ng PTA, ang proyekto ay bahagi ng kanilang pasasalamat at pagbibigay pugay sa walang sawang pagtuturo ng mga guro sa mga mag-aaral ng nasabing eskwelahan.

Ang proyekto ay gagawin sa loob ng tatlong araw bago sumapit ang oktubre 5 na syang araw ng mga guro.