Tila maluwag na pag-trato ng PNP Custodial Center kay Sen. De Lima, pinuna ni SOJ Aguirre

(Eagle News) — Pinuna ni Justice Secretary Vitallano Aguirre II ang tila maluwag na pagtrato ng Philippine National Police Custodial Center sa nakakulong na si Senadora Leila De Lima.

Sabi ng kalihim, tinawagan nya na ng pansin si PNP Chief Ronald Dela Rosa maging ang head ng Custodial Center kung saan nais niyang alamin kung bakit tila maluwag ang pag-trato nila kay Senadora De Lima na hindi naman naranasan ng mga nakakulong na mga opisyal ng pamahalaan gaya ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ng kasalukuyang nakakulong na sina dating Senador Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla.

Una nang sinabi ng kalihim na kaniyang haharangin ang kahilingan ng nakakulong na senador na makadalo sa deliberasyon ng death penalty bill sa Senado.

Paliwanag ng kalihim na bilang isang akusado sa isang kaso at kasalukuyang nakakulong, limitado at suspendido ilan sa mga karapatan mo bilang isang indibiduwal.

Kung pagbibigyan aniya ang kahilingan ng Senador De Lima, ito ang magiging batayan ngayon ng iba pang nakakulong na humingi rin ng pabor upang makalabas ng kanilang kulungan upang dumalo sa kani-kanilang aktibidad.

Matatandaan na sa kabila ng pagkakakulong ni Senador Leila De Lima sa PNP Custodial Center tuloy pa rin ito sa kaniyang pagpuna sa adminstrasyong Duterte sa pamamagitan ng mga hand written notes na kaniyang inilalabas.