Tone-toneladang bangus na apektado ng fish kill, nakumpiska sa Dagupan

 

DAGUPAN CITY, Pangasinan (Eagle News) – Hinarang ng City Government at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa bungad ng Dagupan City Market sa mismong De Venecia Highway ang mga truck na may dalang banye-banyerang bangus na naipuslit sa palengke ng Dagupan na galing sa Anda at Bolinao, bandang alas 11:00 ng gabi nitong Linggo, Hunyo 3.

Ayon kay Mayor Belen Fernandez at Supt. Jandale Sulit, pawang tangok o hinangong patay na mga isda na apektado ng fish kill na mula sa baybayin ng Anda at Bolinao ang nasabat ng mga otoridad.

Nasa 30-40 pesos ang bentahan ng mga nasabing bangus na mula sa Anda at Bolinao na ibinagsak sa merkado ng Dagupan.

Ayon sa City Government, hindi ligtas na kainin ang mga isdang hinango sa fish-kill dahil nagdudulot ito ng pangangati at pagkalason sa mga makakakain nito.

Inilibing na sa bakuran ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga nasabat na isda sa Dagupan.

Samantala, hanggang sa mga oras na ito ay ongoing pa rin ang pagharang sa Dagupan City Market ng mga bangus na galing Anda at Bolinao. Nora Dominguez