(Eagle News) — Bukod sa paghihigpit, kailangang magpatupad na ng total ban sa lahat ng mga meat products na pumapasok sa bansa.
Ito ang reaksyon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist President Nicanor Briones matapos makapasok sa bansa ang mga meat product galing Japan na apektado ng African swine fever.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni Briones na bukod sa panganib sa kalusugan, babagsak din ang negosyo ng mga pork farmer sa bansa.
Paliwanag ni Briones kapag nahawaan ang isang alagang baboy, sa loob lamang ng sampung araw ay 80 porsyento ng mga baboy sa piggery ay maaaring mamatay at ang natitirang 20 percent ay hindi na pwedeng ilabas.
Giit pa ni Briones, hindi naman na kailangang mag-angkat pa ng mga karne ang bansa dahil oversupply ang meat products sa merkado.
Matatandaang noong nakalipas na linggo ay nagpatupad ng importation ban ang Department Of Agriculture (DA) sa mga karne at iba pang produkto nito mula Japan dahil sa swine fever.
Sa ulat, apat na magkakahiwalay na kaso ng ASF virus ang natukoy sa Japan noong Enero 12 at 16, partikular sa Chubu airport sa Aichi Prefecture at Haneda Airport sa Tokyo.