BAGUIO CITY (Eagle News) — Mahigpit ng ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang City Ordinance No. 05, series of 2017 o truck ban sa lungsod.
Ito ay matapos na maamyendahan at maaprubahan ng lower legislative body o konseho sa lungsod ang naturang ordinansa na kinatigan din ng iba’t ibang sektor.
Matatandaan na apat na beses na sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad sa naturang ordinansa matapos na iakyat sa konseho ang iba’t- ibang usapin na may kaugnayan sa pagpapatupad at pagbabawal sa pagbiyahe ng mga trucks sa lungsod.
Ayon kay Baguio City Mayor Mauricio Domogan Jr., hindi na siya mag-i-issue pa ng panibagong suspensiyon, matapos na mapagtibay sa konseho ang basehan o batayan na inilatag ng mga apektadong mga dealer truck owner, mining companies, at water delivery truck owner ang kanilang hinaing na pinakinggan naman ng konseho.
Matapos ang ilang buwang pag-uusap ay tinuldukan na ang naturang batas para maipatupad na ang truck ban, na kinatigan din ng iba’t ibang sektor.
Kinapapalooban ng naturang ordinansa ang mga patakaran para sa maayos na pagpapatupad nito.
Kinakailangang magsumite ang-mga may ari ng mga truckers ng kumpletong listahan ng mga plate numbers para sa mabibigyan ng exemption order mula sa lokal na pamahalaan at maiwasang mahuli at magmulta.
Ayon naman kay mayor Domogan, hindi lahat ng nag-apply ng exemption ay kakatigan kundi ang mga truck owner lamang na idinaan sa masusing pag-aaral at konsiderasyon.
Ilan sa mga truck na magkakaroon ng benipisyo ng exemption ay yaong mga vegetables at cutflower delivery trucks / traders, water delivery trucks, at mining company trucks lamang.
Ibinigay ang naturang konsiderasyon , dahil ang mga agricultural products katulad ng gulay ,prutas at bulaklak, na ibinibiyahe sa Metro Manila, tubig na araw-araw na ginagamit, at mineral products na dinadala sa iba’t-ibang lugar sa Benguet, at Poro Point, La Union, ay kinakailangang hindi ito ma-delay sa transportasyon, bagkus mai-deliver sa lalong madaling panahon.
Tinagubilinan din ang mga water delivery truck owner na kinakailangang may gagawin silang pag-uusap sa kanilang mga kostumer at iskedyul ng pag-deliver ng tubig para iwas trapiko sa lungsod.
Samantala ay nakapaloob naman sa naturang truck ban ordinance na bawal dumaan, magparada, magkarga at magdiskarga sa lungsod ang mga six-wheeler truck, na may bigat na 4,500 kilos, heavy equipments, trailer at dump truck mula alas sais ng umaga (6 AM), hanggang alas nueve ng umaga (9 AM), at alas kuwatro ng hapon (4 PM), hanggang alas nueve ng gabi (9 PM).
Ang mga cargo truck naman ay maaari lamang magdiskarga at magkarga ng mga produkto sa central business district area, mula alas nueve ng gabi (9 PM) hanggang alas sais ng umaga (6 AM) lamang.
Mapapatawan ng multa ang sinumang lalabag sa naturang ordinansa na mula dalawang libo hanggang limang libong pisong (Php 2,000 – Php Php 5,000) penalty.
( Eagle News Service, Baguio City Correspondent Freddie Rulloda)