Tubig sa Angat Dam sapat pa para mag-supply sa NCR, Bulacan, Pampanga

(Eagle News) – Nananatiling sapat ang antas ng tubig sa Angat Dam para makapag-suplay ng domestic water requirements para sa mga residente ng Metro Manila ngayong papasok na ang panahon ng tag-init.

Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Sevillo David, Jr., dinagdagan na nila ang alokasyon para sa pangangailangang tubig ng mga taga-Metro Manila dahil sa mababang water level ng Mesa Dam.

Ang NWRB, na attached agency ng Department of Environment and Natural Resources, ang siyang nangangasiwa sa alokasyon ng suplay ng tubig sa Angat Dam sa National Irrigation Administration para mabigyan ng patubig ang mga bukirin sa Bulacan at Pampanga, pati na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa water requirements ng mga kabahayan sa Metro Manila.

Sa kasalukuyan, nagpapatupad ang NWRB ng 48 cubic meters per second (cms) allocation para sa Metro Manila kumpara sa 46 cms nitong Pebrero.

Konstruksyon ng Kaliwa Dam

Umaasa naman ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System na masisimulan na sa Hunyo ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa probinsya ng Quezon. Ito ay upang matugunan ang problema sa kakulangan ng tubig.

Sinabi ni MWSS Administrator Rey Velasco, nasa final stage na ang engineering design ng dam. Kapag napagtibay ang disenyo ay maari nang masimulan pagtatayo ng dam na tatagal ng apat na taon o hanggang sa 2023. Ito ay nagkakahalaga ang dam ng 12.2 billion pesos.

Inaasahang makapagsu-suplay ito ng karagdagang 600 million liters a day sa pangangailangan ng tubig sa Metro Manila at ilan pang kalapit na lalawigan.

 

Related Post

This website uses cookies.