URDANETA City Pangasinan (Eagle News). Hindi nagpahadlang ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa masungit na panahon upang maisakatuparan ang kanilang adhikain na makapagbigay tulong at libreng serbisyo medikal para sa mga detainee ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Anonas, Urdaneta City Pangasinan.
Tulong na serbisyo medikal sa mga detainee ng Urdaneta City District Jail, matagumpay na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo
Matagumpay itong naisagawa sa pakikipagtulungan na din ng mga pamunuan ng nasabing piitan sa pangunguna ni Jail Warden Roque Constantino Sison III.
Nagbigay ang INC ng mga basic necessities tulad ng sabon at toothpaste na may kasamang mga bag para sa mga detainee. Mahigit sa tatlong daan naman sa kanila ang nagpatingin ng kanilang blood pressure at blood sugar level.
Ayon kay Bro. Conrado Pascual Jr., ministro ng INC, ipagpapatuloy nila ang mga ganitong aktibidad at mas lalo pang palalawakin ang kanilang makakaya para makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan ng serbisyo medikal.
Nangako naman ang mga organizer na babalik sila sa lugar upang bigyan ng tamang gamot ang mga detainee na nakakitaan ng mataas na blood sugar level.
( Eagle News Rusell Failano, Luz Abaya, Jericho Jade Madolid – Urdaneta City, Pangasinan Correspondents)