(Eagle News) — Nagbabala na ang British government sa kanilang mga kababayang nasa bansa na iwasan munang magtungo sa Western Mindanao, kabilang na ang Marawi City kung saan nagpapatuloy ang operasyon ng tropa ng gobyerno laban sa teroristang grupong Maute.
Sa travel advisory ng Foreign and Commonwealth Office (FCO) ng United Kingdom sa kanilang website, inaabisuhan nila ang mga Briton na huwag magtungo sa lugar dahil sa terorismong nagaganap doon.
Kabilang sa travel warning ang iba pang bahagi ng Mindanao, sa katimugang bahagi ng Cebu, pati na sa munisipalidad ng Dalaguete at Badian.
Pinayuhan naman ng opisina ang mga British national na nasa apektadong lugar na manatili lamang sa kanilang mga tahanan at i-monitor ang direktiba ng mga otoridad.
Hinimok din nito ang kanilang mga kababayan na manatiling naka-alerto sa anumang mga kahina-hinalang aktibidad o indibidwal at i-report ito sa mga otoridad.
(Eagle News Service Jerold Tagbo)
https://youtu.be/Jlfk_sGzCZY