Eagle News – Isa-isang sinagot ng Comelec ang mga nagkalat na post sa Social media tungkol umano sa mga anomalyang nangyayari sa Overseas Absentee Voting.
Naging usap-usapan ng mga netizen ang isang balota kung saan naka-highlight sina Mar Roxas at Leni Robredo.
Subalit makikita na naka-shade ang oval sa tapat ng pangalan ni Davao city mayor Rodrigo Duterte at Senador Alan Peter Cayetano.
Ayon sa Comelec maaring sample ballot ang nasa larawan na kasinglaki ng tunay na balota.
Hindi rin daw ipinagbabawal sa batas ang nasabing klase ng sample ballot.
Ipinakita rin ng Comelec ang isa pang post mula sa isang netizen na nagpapakita ng dalawang bersyon ng balota kung saan ang isa ay naka-highlight din ang pangalan nina Roxas at Robredo habang ang tunay na larawan ay walang kulay dilaw.
Isa pa sa sinagot ng Comelec ang paratang ng OFW sa Beirut, Lebanon na hindi umano nabasa ng makina ang kanyang boto kay Duterte.
Sinabi ng Comelec na sa halip na marker, ballpen ang ginamit na pang-shade ng Absentee voter.
Bukod rito, natanggap rin ng poll body ang reklamo ng isa pang botante sa Paris na binuksan umano ang kanyang balota ng mga Opisiyal ng Embahada.
Pero ang paliwanag ng Comelec postal voting ang sistema sa Paris at isinailalim lamang sa beripikasyon bilang bahagi ng proseso.