Mar Gabriel
Eagle News Service
Naaresto na ng mga awtoridad ang gunman na pumatay sa negosyanteng si Dominic Sytin at nakasugat sa driver-bodyguard nito sa Subic Bay Freeport noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nakilala ang suspek na si Edgardo Luib na naaresto sa tinutuluyan nito sa Batangas nitong ika-5 ng Marso.
Nabawi sa kanya ang tatlong baril na kinabibilangan ng carbine, cal. 40 at cal 45.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group director Amador Corpus, natunton nila ang suspek sa tulong ng isang impormante.
Nang maaresto ang suspek, agad daw nitong inamin ang krimen.
Dito niya itinuro ang mismong kapatid ng biktima na si Dennis Sytin na umano’y nagalok ng isang milyong piso para ipapatay ang biktima.
Nakontak daw siya nito sa pamamagitan ni Ryan Rementilla na dati ring empleyado ng United Auctioneers Incorporated.
“The first meeting..kausap niya si Dennis and Ryan at binigyan siya ng P10000, then sa ASEA beach din also in (Subic Bay Metropolitan Authority), binigyan siya ng another P10000, then on Nov. 26 noong nagcheck in na siya sa ASEA hotel sa SBMA binigyan na siya ng another P30000, so all in all ang natanggap nya according to him is P50000. Hindi niya masabi kung na kay Ryan ang kabuuan ng P1 milyon kasi hindi na niya nakita si Ryan since then,” pahayag ni Amador.
Motibo
Awayan daw sa negosyo ang pangunahing motibo kaya ipinapatay ni Dennis ang kanyang kapatid na noo’y presidente ng kumpanya.
“Before the killing, there has been an apparent dispute or disagreement between the brothers..Apparently there was quarrelling over control of the shares in the operations of the United Auctioneers International,” ani Joel Coronel ng PNP Region 3.
Sa isinagawang balistic examination sa cal. 45 pistol mula sa suspek, nagmatch dito ang dalawang slug at siyam na basyo ng bala na narecover sa crime scene.
Nagmatch din ang fingerprint ng suspek sa nakuhang fingerprint sa side mirror ng motorsiklo na ginamit na getaway vehicle ng suspek.
Dahil dito naniniwala ang PNP na may matibay silang mga ebidensya para sa pagsasampa ng kasong murder at frustrated murder laban kina Dennis, Luib at Rementilla.
Kakasuhan din ang isang John Doe na umano’y nagsilbing tagatiktik at tagatimbre sa kilos ng biktima bago ito barilin.
“Case solved na ito but not case closed. May mga hinahanap pa tayo,” pahayag ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde.