(Eagle News) — Pinaiimbestigahan ni Senador JV Ejercito sa Senado ang aniya’y “mafia” na nasa likod ng korapsyon sa mga housing programs ng gobyerno.
Tinukoy ni Ejercito ang mga housing unit na itinayo gamit ang mga sub-standard na materyales sa flood-prone at landslide-prone areas sa Tacloban City na para sa mga biktima ng Bagyong Yolanda.
Sinabi ni Ejercito na inimbitahan na nila para magpaliwanag sa imbestigasyon ng Committee on Housing and Urban Resettlement ang mga opisyal ng National Housing Authority.
Kinabibilangan ito nina NHA General Manager Marcelino Escalda Jr., NHA-Visayas Area Manager Grace Guevarra, NHA-Eastern Visayas Regional Manager Rizalde Mediavillo, NHA-Zamboanga City District Manager Al-Khwarizmi Indanan at NHA-Mindanao Area Manager Ma. Alma Valenciano.
Inimbitahan na rin aniya ang mga developer ng mga proyekto para malaman kung nagkaroon ng sabwatan sa konstruksyon ng mga housing project.