QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Iimbestigahan ng National Food Authority (NFA) ang napaulat na umano’y ibinebentang mabahong bigas sa merkado.
Nasabay kase ang nasabing isyu sa distribusyon ng bigas, nitong Martes, Abril 17 mula sa Nueva Ecija na nagkakahalaga ng 39 pesos kada kilo bilang pansamantalang pamalit sa NFA rice.
Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, bagaman hindi galing sa NFA ang nasabing bulok na bigas ay titignan pa rin nila ito para matiyak na ang mabibiling bigas ng publiko ay mataas pa rin ang kalidad kahit mura ang presyo.
Murang commercial rice, mabibili na sa ilang pamilihan
Sa Commonwealth Market sa Quezon City, bagaman dilaw ang kulay ng bigas na ibinebenta sa isang tindahan sa halagang 38 pesos kada kilo mula sa Nueva Ecija, wala naman itong amoy.
May ilang mamimili pa nga ang bumili at nais subukan ang nasabing bigas.
Samantala, hinihikayat naman ng NFA ang publiko na mag-report sa kanila sakaling may mabiling bulok na bigas.
Rice retailers sa Isabela, magbebenta rin ng murang commercial rice sa Metro Manila
Sa Sabado, Abril 21 ay inaasahang magbababa rin ng bigas ang mga rice trader, millers at retailers mula sa Isabela.
Nasa animnapung trucks na naglalaman ng tig-pitongdang sako ng bigas ang darating sa Metro Manila para makatulong sa mga mahihirap habang hinihintay ang pagdating sa bansa ng tone-toneladang imported rice.
“Malinis at maayos na ang warehouse ng National Food Authority sa Visayas Avenue at handa na ito para sa paparating na aangkating bigas ng gobyerno matapos nga na maubos ang supply ng NFA rice,” ayon sa opisyal.
Samantala, ayon kay Estoperez, posibleng sa kalagitnaan o sa ikatlong linggo ng Mayo dumating sa bansa ang imported rice. Tamang-tama umano ito para sa pagpasok ng lean months.
Eagle News Service Eden Santos
https://youtu.be/CtYjpU_WOsI