Unang batch ng Senior High School ng New Era University, nagtapos sa PHL Arena

(Eagle News) — Handang-handa na umanong magtrabaho ang unang batch ng Senior High School na nagtapos ngayong Miyerkules, Abril 24 mula sa New Era University.

Nasa 2,181 ang grumaduate ng Senior High School sa 43rd Commencement Exercises ng NEU na idinaos sa Philippine Arena sa Ciudad De Victoria.

Sa mga grumaduate,  67 ay galing ng Lipa, Batangas branch habang 168 ang graduate ng Pampanga branch.

Mahigit 1000 naman, o 1,946,  ang nagtapos sa main branch ng New Era University na nasa Quezon City.

Nagtapos ang mga ito sa iba’t ibang kurso na kinabibilangan ng Accountancy, Business And Management, Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), Humanities and Social Sciences at General Academics na nasa ilalim ng Academic Tracks.

Meron ding kumuha ng Literary and Theater Arts, Media and Visual Arts at Music na nasa ilalim ng Arts and Design Tracks at Information and Communication Technology, Home Economics at Industrial Arts sa ilalim naman ng Technical-Vocational Livelihood Tracks.

Ayon kay Dr. Nilo Rosas, Presidente ng New Era University, sinisiguro nila na competitive at kayang makipagsabayan ng mga Senior High School graduates ng NEU pagpasok nila sa work force.

Gayunman, kinumpirma nito na karamihan sa first batch ng Senior High School na nagtapos ngayong araw ay planong magpatuloy sa kolehiyo para sa mas matatag na kinabukasang haharapin ng mga ito.

Ilan sa mga graduate na nakausap ng Net 25 news ang anila’y agad sasabak sa pagtatrabaho para makaipon ng pera na gagamitin naman sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Pinayuhan naman ng guest speaker na si Dr. Glicerio Santos III, Assistant Medical Director ng New Era General Hospital ang mga graduate na haharap sa mas matinding hamon ng buhay sa pagtahak nila sa panibagong yugto ng kanilang.

Mga mag-aaral, nanumpa rin ng katapatan

Pinangunahan naman ni Phoebe Salvador, 2015 valedictorian ng New Era University ang oath taking ng mga nagsipagtapos ng Senior High School.

Hindi naman nakalimutang pasalamatan ng mga nagsipagtapos ang kanilang mga magulang dahil sa sakripisyo ng mga ito sa pagpapa-aral sa kanila; ang mga guro at school administration sa walang sawang pagtuturo ng mga kaalamang kanilang kailangan; at ang kanilang mga kaklase at naging kaibigan sa buong panahon ng kanilang pag-aaral.

Nag-alay rin ang mga ito ng isang awit-pasasalamat para sa kanilang mga magulang.

Kakaiba naman ang paraan ng pagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa kanilang mga magulang nina Erin Jared Bumatay at Eldric Carl Fandialan.

Sa pagharap sa panibagong yugto ng kanilang buhay, tiniyak ng mga nagsipagtapos na hinding-hindi nila makakalimutan ang kanilang Alma Mater. Eden Santos