QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Naging mabiyaya at matagumpay ang kauna-unahang pagsamba na isinagawa sa bagong tatag na extension ng lokal ng Pasong Tamo, sa Distrito ng Central noong Huwebes, Pebrero 23, 2017.
Ang pagtatayo ng extension ng gusaling sambahan ay naisakatuparan dahil na rin sa lumo-lobong bilang ng mga bagong kapatid sa Iglesia Ni Cristo sa nasabing lokal, na ngayon ay labindalawang taon na simula noong una itong naitatag.
Ang pag-aaral ng mga Salita ng Diyos sa banal na pagkakatipon ay pinangunahan ni Kapatid na Romer D. Galang, ang Tagapangasiwa ng Distrito.
Bawat kapatid ay tumatangis ng luha ng kagalakan dahil sa biyayang dulot ng pagkakaroon ng extension sa lokal na talaga namang matagal na nilang hinihiling at ipinagpapanata sa Diyos.
“Napakasarap po sa pakiramdam dahil sa unang araw at oras palang ng pagsamba ay napakarami na ng mga kapatid na dumalo. Napakabiyaya po ng pagsamba na tunay namang nagdudulot po ng inspirasyon sa bawat isa sa amin,” pahayag ni Kapatid na Sherly Miguela, masiglang maytungkulin sa lokal.
Ang pagsasaayos sa extension ng kapilya ay sinimulan pa noong 2013, kaya naman nang ito ay pinagtibay ng Pamamahala sa Iglesia, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo ay hindi maipaliwanang ang labis na kasiyahang nadama ng mga kapatid at Maytungkulin sa lokal ng Pasong Tamo.
Kaya naman sa pangunguna ni Kapatid na Jovel A. Manalo, ang pastor ng lokal ay naging puspusan na ang kanilang pagsasa-ayos sa dako at paglilinis sa mga kasangkapang gagamitin kahit na ilang linggo pa bago pagdausan ng pagsamba ang dako.
“Kami po ay masayang-masaya para sa kapakanan ng kawan sa dako kung saan nalapit ang dako ng pagsamba sa mga kapatid, sa kanilang lalong ikasisigla at ikalalakas sa para sa Gawain ng panginoon,” pahayag ni Kapatid na June Villamar, pamunuan ng lokal.
Pagkatapos ng pagsamba, ay nagkaroon naman ng maliit na salu-salo ang mga Maytungkulin sa Pasong Tamo.
“Dahil sa pagkakaroon ng extension ng aming lokal ay umaasa po kami na higit pa naming mapapasigla ang mga kapatid namin na mas malapit na ngayon sa bagong dako lalo na sa pagdalo nila sa mga pagsamba at pagpupulong. Sila ay lubos pa naming kikilusin sa pakikilahok sa lahat ng mga aktibidad at sa pagsusulong sa lalo pang ikapagtatagumpay ng mga gawain sa Iglesia Ni Cristo,” wika ni Kapatid na Jovel Manalo.
Jodi Bustos, Eagle News Service