DAVAO CITY (Eagle News) – Tinanggap ni Vice Mayor Paolo Duterte ang hamon ni Senator Antonio Trillanes IV na sumailalim sila sa comprehensive drug test matapos nitong ihayag na may isang Senator umano ang gumagamit ng cocaine. Inaayos na lamang umano ni Duterte ang kaniyang schedules upang maisagawa ito.
Mungkahi ng Bise Mayor, hindi lamang dapat aniya si Trillanes kundi maging lahat ng Senador umano ay gawin din ito bilang pag-suporta na rin sa anti-illegal drugs campaign ng Pangulong Rodrigo Duterte. Mas makabubuti umano ang sumailalim sa mas tumpak na pagsusuri sa isang high-precision drug test center sa BGC, Taguig, Metro Manila na kung saan hindi lang matutukoy ang illegal drugs sa ihi o dugo ngunit kasama na rin dito ang hair samples.
Dagdag pa, ang illegal drugs sa hair samples ay maaaring makita ang bakas ng pitong pangunahing klase tulad ng cocaine, opiates, methamphetamine, marijuana, ketamine, at benzodiazepine. Matatandaan na sumailalim na si Vice Mayor Duterte at halos lahat ng City Councilors sa Davao sa drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency at lahat sila ay naging negatibo sa nasabing test.
Haydee Jipolan – EBC Correspondent, Davao City