(Eagle News) — Mapapanood sa malaking screen sa Times Square sa New York city ang tatlong minutong video na nagpapakita sa paninidigan ng China sa pag-aangkin nito sa West Philippine Sea, kahit may inilabas nang desisyon ang artbitral tribunal na pumapabor sa Pilipinas.
Batay sa ulat ang nasabing wide screen sa Times Square ay pag-aari ng isang sangay ng Xinhua News Agency na Official Press Agency ng China.
Ipinalalabas ang nasabing video nang limang beses sa loob ng isang oras
Bente kwatro oras din itong pinapalabas ng China na nagsimula nitong July 23 at tatagal hanggang saAugust 3.
Mapapanood sa nasabing video na ipinalalabas ng China sa Times Square New York ang mga tanawin na makikita mula sa mga isla sa West Philippine Sea.
Nakasaad din sa video ang paninindigan ng China na hindi nila kinikilala ang desisyon ng international court.
Mareresolba lamang anila ang sigalot sa pinag-aagawang teritoryo sa pamamagitan ng dual track approach o sa pamamagitan ng konsultasyon at negosasyon sa mga bansang umaangkin sa teritoryo.
Mapapanood pa sa video ang mga renowned scholar at politicians sa ibat ibang lugar sa mundo kabilang ang Shadow Minister of Foreign and Commonwealth Affairs ng United Kingdom na si Catherine West, ambassador of Pakistan to China na si Masood Khalid at iba pa.
Sa nasabing video, sinabi ng mga ito na ang arbitration case na inihain ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea ay invalid dahil wala umanong jurisdiction ang “International Court sa sovereignty issues”
July 12 nang ilabas ng arbitral court ang desisyon sa kasong inihain ng Pilipinas sa China.
Sa nasabing desisyon ng international court nakasaad na walang historic rights ang China sa West Philippines Sea.