Videographics: Mga dapat malaman ukol sa May 14 SK at Barangay elections

 

 

Ngayong Lunes, Mayo 14, sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, narito ang ilang mga dapat malaman at tandaan ng mga botante bago magtungo sa kani-kanilang presinto:

Ayon sa Commission on Elections, ang pagboto sa Mayo 14, 2018, araw ng Lunes ay “MANUAL”, ang mga vote counting machines ay hindi gagamitin, kaya’t dapat isulat ang pangalan ng kandidatong iboboto sa balota.

Ang regular voting hours ay mula 7:00 AM hanggang 3:00 PM.

May dalawang uri ng balota ang gagamitin sa araw ng eleksyon: Ang Sangguniang Kabataan (SK) ballot na nakaimprenta sa pulang tinta; at ang Barangay ballot na nakaimprenta naman sa itim na tinta.

Kung ikaw ay at 15 hanggang 17 taong gulang, isang (1) balota para sa Sangguniang Kabataan (SK) ang iyo lamang gagamitin.

Kung ikaw naman ay mula 18 hanggang 30 taong gulang, ay dalawang balota ang iyong gagamitin — ang balota para sa Sangguniang Kabataan elections at ang balota para sa Barangay elections.

Kung ikaw naman ay may 31 taong gulang pataas, isang (1) balota lamang para sa Barangay elections ang iyong gagamitin.

Ilang kandidato ang dapat iboto?

Para sa Barangay:
1 Punong Barangay
7 Kagawad

Para sa Sangguniang Kabataan:
1 SK Chairman
7 SK members

Narito naman ang ilan pang mga paalala bago bumoto:

• Dumating nang maaga sa presintong iyong pagbobotohan upang makaiwas sa siksikan at maraming kumpol ng tao lalo na ngayong panahon ng tag-init.

• Maaaring magdala ng kodigo o listahan ng pangalan ng mga iboboto.

• Basahin at tiyaking mabuti kung tama ang nakuhang balota.

• Gawing malinaw at maayos ang pagsulat sa pangalan ng mga ibobotong kandidato.

• Siguraduhing isulat ang kanilang buong pangalan kagaya ng pagkakasulat nito sa Official List of Candidates upang hindi masayang ang boto.

• Tanging ang mga pangalan na nakasulat sa patlang ang bibilangin; ang mga sumobra sa hinihinging bilang ng dapat iboto ay ituturing na ‘over-votes’ at ‘stray votes’.

• Ang botohan sa araw ng Lunes ay hanggas 3:00 PM lamang. Sakaling ikaw ay nakapila pa para bumoto o kaya naman ay nasa 30 metro mula sa polling place, ikaw ay papayagan pa ring makaboto kahit lagpas na ng 3:00 PM.

Mga hindi dapat gawin sa panahon ng botohan:

• Huwag sulatan ng doodle, smiley faces, emojis o anomang hindi angkop na simbolo ang iyong balota dahil ituturing itong “invalid”.

• Huwag ipagbili ang iyong boto.

• Huwag ipasilip ang iyong balota kaninuman.

• Bawal gumamit ng cellphone sa loob ng presinto.

• Tanging sa Board of Election Inspector lang maaaring magtanong, magpatulong o magreklamo.

• Bawal kunan ng larawan o video ang loob ng presinto at ang iyong balota.

 

Related Post

This website uses cookies.