Vintage mortar, natagpuan sa garahe ng mga jeep sa Quezon City

QUEZON CITY, Metro Manila (Eagle News) – Isang 81 millimeter na vintage mortar ang natagpuan sa isang garahe ng Public Utility Jeepney noong Huwebes, May 4 bandang 10:00 ng umaga sa Coco Hills Banlat Road, Tandang Sora, Quezon City.

Ayon sa mga residente, natagpuan ang mortar sa ilalim ng puno ng alatiris at nakabalot pa ito sa dyaryo. Napansin ng mga residente na may pinaglalaruan ang mga bata na mortar  at balak pa nila itong ibenta sa junk shop.

Naging alerto ang mga residente kaya agad na inilagay sa isang kotse ang nasabing mortar. Ito ay para palamigin habang hinihintay ang bomb squad. Kapansin-pansin na ang nakitang bomba ay hindi nakabaon sa lupa kundi nasa ibabaw lang at nakabalot sa dyaryo. May petsa pa itong Disyembre 2016. Hinala ng mga awtoridad na maaaring gamitin sa krimen ang nasabing mortar kahit luma na ito.

Ayon kay Sp03 Fernandez ng Bomb Squad ang mortar na na-recover ay aktibo pa dahil ang head nito ay malinis pa at maari pang sumabog kapag ito ay napukpok. Agad naman itong itinurn-over sa Camp Karingal, kung saan doon iniipon ang mga bomba na kanilang na-rerecover at saka sabay -sabay na pasasabugin.

Ian Jasper Ellazar – EBC Correspondent, Quezon City

 

Related Post

This website uses cookies.