MANILA, Philippines (Eagle News) — Hinikayat ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang kaniyang mga kasamahan na suportahan ang inihain nitong “No Work, No Pay Bill” para matapos ang absenteeism sa Kamara.
Iginiit ni Tiangco na hindi layunin ng kaniyang panukala na siraan ang institusyon ng kamara kundi ang hikayatin silang lahat na maging tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Kung ang ordinaryong manggagawa aniya ay hindi nababayaran kung hindi magtrabaho, walang dahilan para maging iba dito ang sistema para sa kanila sa Kongreso.
Ang sahod aniya ng mga mambabatas ay galing sa buwis ng publiko kaya mas dapat ang “No Work, No Pay.”