(Eagle News) — Wala pa umanong natatanggap na banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) sa isasagawang nationwide labor day protest bukas, Mayo 1.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, bagama’t walang banta sa seguridad ay hindi ito dapat ipagsawalang bahala at kailangan pa ring paghandaan.
Sa taya ng PNP, nasa 150,000 na militante ang inaasahan nilang pupunta sa mga lansangan bukas para mag-rally.
Una nang sinabi ng labor groups na pinaghandaan nilang mabuti ang nasabing kilos-protesta dahil umano sa kabiguan ni Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan ang Executive Order laban sa end of contract “endo” o contractualization.
Gayunpaman, wala raw silang inaasahang anumang magandang balita mula sa Malakanyang bukas.
Ayon kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, hindi nila inaasahan na lalagdaan na ng Pangulo ang Executive Order.
Pero dapat aniyang maalala ng Pangulo ang kaniyang responsibilidad na matiyak na naitataguyod ang karapatan ng mga manggagawa kabilang na ang pagsiguro na ang lahat ng manggagawa ay regular.