(Eagle News) — Tiniyak ng Department Of Finance (DOF) na hindi magreresulta sa tanggalan sa trabaho ang ikalawang bahagi ng TRAIN law na tinatawag ngayong TRABAHO bill.
Ito ang sinabi ng DOF sa harap na rin ng pangamba na baka umalis sa bansa ang mga investors o magbawas ng trabaho ang mga kumpanya sa oras na bawasan ng pamahalaan ang natatanggap na incentives ng mga ito mula sa pamahalaan tulad ng mas mababang bayarin sa gobyerno.
Sa briefing sa Malacañang nitong Miyerkules, Agosto 22, sinabi ni Finance Undersecretary Karl Chua na hindi magreresulta sa tanggalan ng trabaho sa oras na maisabatas ang panukala, dahil hindi naman lahat ng insentibo ay tatanggalin ng gobyerno mula sa mga pribadong kumpanya.
Ayon kay Chua, aabot sa kulang-kulang 650 kumpanya ang mga posibleng mabawasan ng natatanggap na insentibo o tinatawag na unnecessary incentives sa oras na maisabatas ang panukala dahil 15 taon na nila itong natatanggap at lumago na ang mga kumpanyang ito sa tulong ng pamahalaan. Panahon na aniya para tumulong ang mga ito sa gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis.
Binigyang- diin ni Chua na ang maidaragdag na pondo mula sa mga tinanggal na incentives ay mapupunta sa infrastructure projects ng pamahalaan na siyang magiging susi para pumasok pa sa bansa ang mga foreign investors na siyang magbibigay pa ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
https://youtu.be/UhfHXaHxtAA