Ni Melvin dela Cruz
Eagle News Correspondent
(Eagle News) – Nagdeklara na ng state of calamity ang bayan ng Wao, Lanao Del Sur dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Ayon sa PAGASA, tatamaan ng matinding tag-tuyot ang probinsiya ng Lanao Del Sur batay sa kanilang prediction noon pang Disyembre 2018.
Enero hanggang Hunyo ng taong ito ang tagal ng sinasabing weak El Niño kaya damang -dama na ang epekto nito sa maraming sakahan at pananim sa nasabing probinsiya.
Sa Wao ay makikita ang nagkabitak-bitak na ang lupa sa mga sakahan, natutuyo ang mga pananim at ang iba ay malapit na sanang anihin ang kanilang pananim na mais subalit halos wala itong laman dahil sa natuyo.
Nasa 2,997 na magsasaka ang dumaing na sa epekto ng dry spell at nasa 5,374.20 ektaryang lupa ang apektado kaya inirekomenda ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa Sangguniang Bayan na isailalim na sa state of calamity ang Wao sa pamamagitan ng Resolution No. 19, series of 2019.