(Eagle News) — Galit pa rin ang mga residente ng Montalban, Rizal sa pamunuan ng Manila Water dahil sa biglaang pagputol ng suplay ng tubig mula pa kahapon, Hunyo 25.
Giit ng mga residente, hapon na nang mag-abiso ang kumpanya ukol sa water interruption gayong umaga pa lang ay wala nang suplay ng tubig sa lugar.
Dahil dito, hindi nakapaghanda at hindi nakapag-ipon ng tubig ang mga residente kaya naman kagabi pa ay kanya-kanya na na sila ng diskarte para makaipon ng tubig.
Ang ilan umaasa sa mga poso at mga deep-well water supply na naniningil ng piso kada timba.
Ang ilan naman, naghihintay sa suplay ng water tank ng Manila Water na umiikot sa Rodriguez, Rizal.
Sa advisory na inilabas ng Manila Water, kasama sa mga apektado ng pagkawala ng suplay ang mga customer na sineserbisyuhan ng lanilang East Lamesa Treatment Plant patrikular na ang bayan ng Rodriguez at San Mateo Rizal.
Dahil daw ito sa ginagawang flushing activities sa Lamesa Dam dahil sa water discoloration na naranasan ng mga customer sa east zone.
Epekto daw ito ng mababang level ng tubig sa dam at patuloy na pagbagsak ng kalidad ng tubig dahil sa madalas na pag-ulan.
Sa ngayon, ginagawan na raw ng aksyon ng Manila Water ang problema pero hindi pa rin matiyak kung kailan babalik sa normal ang suplay ng tubig sa mga apektadong lugar. (Mar Gabriel)