Water search and rescue training isinagawa sa Roxas, Palawan

Bahagi ng isinagawang Water search and rescue training sa Brgy. Poblacion, Roxas, Palawan noong Linggo, October 22, 2017. (Photo courtesy: Abraham Abadilla, 402nd Squadron)

ROXAS, Palawan (Eagle News) – Patuloy na nagsasagawa ng mga safety drill ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa bawat komunidad sa Roxas, Palawan. Ito ay bilang paghahanda sa mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol, sunog at iba pang kauri nito.

Sa pangunguna ng MDRRMO Roxas, katuwang ang 402nd Auxiliary Squadron Philippine Coast Guard na siyang nag-organized ng naturang drill ay nagsagawa ng actual drill scenario sa mga barangay na maaaring maapektuhan ng matinding kalamidad.

Aktuwal na isinagawa ang evacuation ng mga residente sa mga komunidad na malapit sa karagatan kung maglalabas ng storm surge warning sa mga baybayin at pag-rescue sa mga biktima ng pagkalunod. Mga bihasang rescuer na may sapat na kasanayan mula sa iba’t-ibang ahensya tulad ng Philippine National Polcie (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Marines, at Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) ang nanguna sa ginawang rescue drill.

Ayon kay LCDR Jerimias Alili ng PCGA, tuluy-tuloy na isasagawa nila ang mga ganitong uri ng safety drill sa 31 barangay na nasasakupan ng Roxas. Lalo na aniya sa mga lugar na malayo sa sentro ng bayan na hindi agad mararating ng mga rescue team.

Ayon pa kay Alili, wastong kaalaman at presence of mind pa din ang paraan upang makaiwas sa kapahamakan. Ito ngayon ang ginagawa nila sa bawat komunidad na pagtuturo ng mga kaalaman na kanilang magagamit sa mga panahon ng kalamidad. (Eagle News Correspondents, Anne Ramos at Erol Deloso)