PANGASINAN, Philippines — Dumagsa ang maraming kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa San Manuel at Asingan, Pangasinan upang suportahan ang kanilang mga pambato sa “Himig Ng Kaligtasan”, Youth Choir Competition na ginanap sa mataas na paaralan ng Juan C. Laya Multi-Purpose Building sa bayan ng San Manuel.
Siyam na kongregasyon ng mga Iglesia Ni Cristo sa naturang mga dako ang sumali sa kompetisyon. Ipinakita nila ang kanilang kahusayan sa pag-awit ng mga christian songs at ang bawat choir ay binuo ng mga kaanib na dose hanggang labimpitong taong gulang.
Nakamit ng lokal ng asingan ang kampeonato sa Asingan area at dalawang lokal naman ang naging kampeon sa area ng San Manuel – ang lokal ng Arzadon at lokal ng San Manuel.
Ang mga nanalo sa patimpalak ang isasali sa district level competition na isasagawa sa Pebrero 26.
Ayon sa destinado ng Asingan na si kapatid na Arnold Jimenez, nagpapasalamat silang lahat sapagkat may ganitong mga aktibidad na inilulunsad ang Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo, ang kapatid na Eduardo V. Manalo, na lalong nagpapasigla sa mga kaanib.