Zamboanga City, isinailalim na sa state of calamity dahil sa baha

(Eagle News) — Isinailalim na sa state of calamity ang Zamboanga City matapos malubog sa baha ang labing pitong barangay rito dahil sa malalakas na ulan.

Ayon sa Office Of The Civil Defense – Region 9, ang Zamboanga City ang pinakaapektadong lugar sa rehiyon.

Tinatayang umabot na sa labing dalawang milyong piso ang pinsala sa imprastraktura, mga palayan, at palaisdaan, habang mahigit tatlong libong pamilya naman ang napilitang lumikas.

Landslide

Kabi-kabilang naman ang mga landslide ang nararanasan ng bayan ng Kumalarang sa Zamboanga Del Sur matapos bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan pa ng malakas na hangin.

Tumumba ang mga poste at humambalang sa buong kalsada ang mga landslide dahilan ng pagkaka-istranded ng walong oras ng mga motorista.

Kaagad namang nagsagawa ng clearing operation sa lugar ngunit hindi ito kinaya dahil na rin sa kakulangan ng kagamitan kaya humingi na sila ng tulong sa Department of Public Works and Highways.

Maliban sa landslide, nagdulot rin ng matinding pagbaha sa ilang barangay.

Isang bahay din ang tinangay ng tubig-baha at ang iba’y nadaganan naman ng mga puno.

Lubog rin sa baha ang ilang paaralan sa lungsod kaya’t nagtulong-tulong na ang ilang estudyante sa paglilinis ng kanilang silid-aralan.

Dahil sa insidente nawalan ng supply ng kuryente sa buong bayan pati na rin ang mga kalapit na lungsod.

Kinansela na rin ng alkalde ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa buong bayan.

Bagaman walang naitalang casualty sa insidente sinira naman nito ang mahigit tatlumpung ektaryang mga palayan.

Patuloy pang inaalam ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang kabuuang pinsala ng nasabing insidente.