Zika Virus pinaghahandaan na ng PHO-Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Bilang paghahanda sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng zika virus sa bansa ay nagbigay ng kaalaman at impormasyon ang Provincial Health Office (PHO) patungkol sa impeksyong ito at mga dapat isaalang-alang ng mga mamamayan para maiwasan ito.

Sa kasalukuyan, ang zika virus ay itinuturing nang pandaigdigang suliraning pangkalusugan.

Ayon kay Gng. Ida S. Viray, Health Education and Promotions Officer (HEPO) II ng PHO, ang zika virus ay isang uri ng impeksyon na nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng lamok na may dalang virus. Ito ay tulad sa mga sakit na dengue at chikugunya na patuloy ring lumalala sa buong Bansa. Dagdag pa, bagamat wala pang naitatalang kaso ng zika sa Palawan ay mas mainam pa rin na maging handa ang sambayanang Palaweño.

Ang mga pangunahing sintomas dulot ng ng sakit na ito ay pagkakaroon ng rashes o pantal sa katawan na may kasamang lagnat, pamumula ng mata at pananakit o pamamaga ng kasu-kasuan.

Isa sa mga kumplikasyon na maaring maidulot nito sa babaeng buntis ay ang pagkakaroon ng abnormal na liit ng ulo o microcephaly sa sanggol na nasa sinapupunan ng ina.

Samantala, ibinalita rin ni Gng. Viray na mayroong ipinalabas na advisory ang Department of Health (DOH) upang maiwasan ang zika virus, dengue at chikungunya, Ito ay sa pamamagitan ng programang 4S ng DOH na kinapapalooban ng mga sumusunod;

  • Search and Destroy, kung saan pinapaalalahanan na takpan ang mga lugar na maaring pangitlugan ng lamok na may dalang virus tulad ng mga gulong, timba, paso, laruan o basurahan;
  • Self-Protection Measures, kung saan hinihikayat ang paggamit ng mga insect repellants, paglalagay ng screen sa mga bintana at pinto ng bahay at pagsuot ng mga light-colored at mahabang manggas na mga damit;
  • Seek Early Consultation o magpakonsulta agad sa pinakamalapit na health centers na malapit sa lugar sakaling makitaan ng sintomas nito;
    Say Yes to Fogging only During Outbreaks, o ang pagsuporta sa pagpapausok sa mga tahanan na isinasagawa ng Kagawaran sa buong bansa.

Tiniyak ni Gng. Viray na patuloy ang adbokasiya ng PHO upang mapataas ang kamalayan ng mamamayan sa pangangalaga ng kanilang kalusugan at bukas ang kanilang tanggapan sa sinumang nais lumapit upang humingi ng dagdag na kaalaman at teknikal na suportang pangkalusugan.

Bobby Banal – EBC Correspondent, Puerto Princesa, Palawan